October 30, 2009

Ang Sumpa ng Rolex

I.

Naisip niyang masuwerte siya dahil napulot niya ang Rolex ni Richard Gutierrez na tumalsik mula sa naaksidenteng Porsche ng artista. Hindi makatiis ang tuwa, sumambulat ito mula sa kanyang dibdib at kumalat ang balita. Pero, hindi ang suwerte. Tinaga ng isang kapitbahay ang lalaking nakapulot ng Rolex na sana’y dadalhin sa bayan upang isangla, at nang ang pera’y maipambili ng bigas na kakainin sa hapunan. Tatlong araw nang pinaglalamayan ang bangkay.

 

II.

Masuwerte siya. Literal siyang nakahiga sa di-mabilang na Rolex watches. Ngunit hindi na siya humihinga. Bitbit ang sangkatutak na Rolex, nauna siyang lumabas, kaya’t siya ang napuruhan ng mga nag-aabang na M16 ng awtoridad. Napahiga siya sa nakalatag na mga Rolex, sa harap ng tindahan ng Rolex na kanyang hinoldap.

Dinala ang kanyang bangkay sa punirarya. At umaasa ang mga awtoridad na may darating na kamag-anak upang kilalanin ang kanyang bangkay.

 

July 16, 2009

Pinya

Tinitiis nating huwag kainin
ang mga pinahinog kong pinya,
nagbabakasakaling
makalipas ang ilang araw
mula nang mga ito’y anihin,
may turistang darating
para ito’y bilhin.

Heto ngayo’t winawalis na ni JR
ang nagkapira-pirasong mga pinya,
nabubulok na’t di mapakinabangan.

July 9, 2009

Sinaing

Aking isinalang
Dalawa’t kalahating gatang
ng dinurado
sa ibabaw ng apoy.

At tahimik
kong hinintay
ang pag-init
nito. Nang kumulo
ang sinaing,
umangat ang takip
ng kaldero’t
umapaw
ang puting likido
papunta sa gilid nito.

Namatay ang apoy.

Diyan ako naiwan, mahal,
at hindi sa laman.*

*mula sa “Ang Sabi Ko sa Iyo” ni Benilda Santos

February 17, 2009

Ang Invisible Force Field

Ang elbi ay nakalalasing. Sa elbi, parang walang problema, walang gulo, walang pakikihamok. Pakiramdam ng maraming estudyante dito ay para lang silang nagbabakasyon mula sa mausok na mundo ng Maynila. Umaapaw ang kawalang-pakialam (indifference) ng mga estudyante hinggil sa mga isyung panlipunang kung tutuusi’y may direktang epekto sa kanila, lalo na sa mga bagong estudyante ngayon na nagbabayad ng napakalaking tuition at laboratory fees matapos ipatupad ang tuition hike sa ilalim ng pamumuno ni Roman bilang presidente ng UP.

Akala ko dati, sa elbi lang parang may invisible force field na inimbento ng mga senglot na estudyante (senglot sa alak at doobie; senglot sa mga baluktot na paniniwala at pangaral ng VCF). Ang invisible force field na ito ang nagpapanatili o di kaya’y nagpapaigting sa kawalang-pakialam (pagiging apolitical at apathetic) ng mga mag-aaral sa elbi. ‘Yun pala, mas malala pa, mayroon ding invisible force field dito kung saan ako nagtuturo ngayon, dito sa “puso ng Cavite” (”in the heart of Cavite”). Sabagay, medyo obvious naman sa pagka-Katoliko ng pamantasang ito.

Sa paaralang ito, pakiramdam ko, hindi natututong maging mapagmasid at mapanuri ang mga estudyante sa mga nagaganap sa kapaligiran. Dito, talamak ang komersyalisasyon. Magsisimula iyan sa “academic sim” na ipinamumudmod sa mga bagong rehistradong estudyante. Ang sim na ito ang gagamitin ng mga estudyante hindi lamang sa pagtetext, pati na rin sa pagche-check ng kanilang grades, at pagkuha ng tips sa pag-aaral at pagpili ng career. Ang sim na ito ay may tatak na Globe, katabi ang pangalan ng eskuwelahan. Lahat ng perks na ito ay masasamantala ng estudyante, syempre, kung may load siya. Kaya’t tila naoobliga ang kawawang estudyante (1) para palitan ang dating sim at nang sa gayon ay makibagay siya sa mga kamag-aral; at (2) para magpa-load nang magpa-load.

Dito, parang bawat kil0s ay may bayad. Mararamdaman iyan pagpasok pa lamang sa Gate 1. Ang rebultong sasalubong sa ‘yo ay may hawak na libreta (parang listahan) sa kaliwang kamay samtalang nakabukas ang kanang kamay. Bahagyang nakabuka ang bibig ng patron ng eskwelahang ito, tila nagsasabing, “Bayad muna, bago pasok.”

Dito, karamihan sa mga organisasyon at aktibidad ng mga organisasyon, maging ang konseho mismo ng mga mag-aaral, ay pinangungunahan ng mga nasa administrasyon. Paano yayabong ang student movement kung halos hindi hinahayaang magkaroon ng sariling desisyon ang mga estudyante? Sa klase ay ganoon din, nasanay ang mga mag-aaral sa spoonfeeding.

Makapal na ang invisible force field dito. Inaakala ng maraming hiwalay (detached) sila sa totoong mundo, sa mundo ng kontradiksyon. Paano bubutasin ang force field na ito?

January 15, 2009

Ang Sapatos

Ikaw ang sumasalo sa bigat ng katawan ko sa maghapong paglalakad. Ikaw ang pumuprotekta sa akin laban sa marahas na rabaw ng kalsada. Ikaw ang kasama ko, sa’n man magpunta. Hindi ka nagrereklamo. Kaya lang, hindi ka rin umiimik. Magsasalita ka lang kapag suwelas ay sira-sira na. At kung kailan napamahal ka na sa akin, saka mo sasabihing, “Palitan mo na ako.”

January 15, 2009

Ang Klasrum

Maya-maya lang, babalik na naman ako sa klasrum na sing-lamig ng mga mukha ng mga estudyante ko. Para na naman akong magbubukas ng pinto ng refrigerator, sasalubong sa akin ang malamig na hanging ibinubuga ng dalawang airconditioner na naka-install sa klasrum. Pero mas malamig pa rin ang mga mukhang sasalubong sa akin–walang ekspresyon, walang damdamin, walang interes sa itinuturo ko. Ganyan sila, mahangin.

Sa ganitong mga pagkakataon, namimis ko ang sira-sirang MB106 at NCAS305 ng eskwelahang pinasukan ko sa undergrad. Mainit ang klasrum pero mainit din ang mga talakayan.