September 30, 2008...4:35 am

Sulyap sa Isang Bahagi ng Kasalukuyang Sitwasyon ng mga Artista’t Manunulat

Jump to Comments

Walang board exam na kinukuha ang mga artista’t manunulat–mga alagad ng sining, tagapagtaguyod ng kulturang Pilipino, at kritiko ng kasalukuyang estado. Hindi sila kagaya ng mga nars, abogado, accountant, inhinyero, chemist, agriculturist, at iba pang kailangang kumuha ng at pumasa sa board exam bago magkaroon ng mas malalaking oportunidad na maisapraktika ang mga natutuhan at napag-aralan sa kolehiyo. Gayonpaman, di naitatangging napakalaki rin naman ng tungkuling ginagampanan nila sa lipunan. Kung hindi dahil sa kanila, walang magtatanggol sa wikang pambansa, walang papanday sa kultura natin, at walang magsasadokumento ng kasaysayan ng Pilipinas. Kung kaya’t nakapagtataka ngang kakarampot o halos walang ibinibigay na pansin, rekognisyon, at prayoridad ang mga mamamayan, lalo na ang gobyerno sa mga taga-sining.

Ako mismo na nagtapos ng BA Communication Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, kasalukuyang nag-aaral ng MA Filipino sa Pamantasang De La Salle kung saan ako ay nagtuturo rin ng wika, ay makailang beses nang nakaranas ng pagmamaliit dahil lang hindi ako kumuha (o nag-take) ng board exam. Inaakala ng marami
(maraming makikitid mag-isip) na ang may karapatan lamang magturo ay ‘yung mga ginagawaran ng lisensya ng dakilng PRC. Itinuturo at ipinauunawa ko ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagpapalaganap ng wikang pambansa habang nakararanas ng pagmamaliit buhat sa ibang tao.

Ang nobyo ko, isang visual artist, gumagawa siya ng mga likhang sining na kalimitang may temang social realist. Kagaya ko, wala rin siyang kinuhang anumang board exam para maging visual artist. At kagaya ko, ang tingin sa kanya at sa ginagawa niya ay di kapantay ng sa mga tinatawag na “propesyonal.” Akala pa nga ng marami, ang pagpipintang ginagawa niya ay hindi isang trabaho o career kundi isang hobby o pampalipas-oras lamang.

Sa panahon ngayon (kung kailan import-dependent at export-dependent ang ekonomiya, may problema sa langis, krisis sa edukasyon, at kabuktutan ang gobyerno), tila wala nang nangangarap maging pintor, iskultor, makata, o historyador. Pero maraming nangangarap maging nars o di kaya’y maging caregiver (in-demand kasi sa abroad). Hanggat nananatiling malakolonyal at malapyudal ang sistemang panlipunan ng Pilipinas, malayong magkaroon ng pantay na pagkakataon para sa lahat ng mga mamamayan. (Ni hindi na nga nakakaabot sa paaralang tersarya ang malaking porsyento ng bilang ng mga kabataan. Agad, sa murang edad, ay nasasabak na sa puwersa ng paggawa.)

Leave a Reply