January 8, 2009

Ulan

Talim. Matalas ang mga patak ng ulan ngayong hapon. Walang awang hiniwa ng mga ito ang aking bumbunan, balikat, katawang hindi na napapayungan ng yakap.

Tigang. Masaganang ulan ang inaani ng lupa sa umagang ito ng Enero. Ngunit bakit lupa’y nananatiling tigang?

Tuyo. Parang tuyong nabalatan ng kaliskis ang mga labi, babad sa araw, hindi na nauulanan. Kaya naman alat at di tamis ang dulot ng bawat halik.

December 17, 2008

Lagda

Panulat
Ay iyong itinutok
Sa malinis
At walang bahid
Kong papel.

At iginuhit
Mo ang iyong lagda
Gamit
Ang aking dugo.

December 16, 2008

SMS: ‘Sang Matamis na Sulyap

mga tingin mo’y
text
na ayaw ma-send
sa akin


o kay hirap mong hagilapin!

[Apr 8, 2005]

December 16, 2008

Si Gamo Kay Tap

i. Nakita ko ang ilaw
Sa iyong puwitan
Kaya ikaw
Ay aking nilapitan.

ii. Sa ilaw mo
Ako ay naakit
Kaya sa’yong puwit
Ako ay lumapit.

iii. Sa ilaw ng iyong puwit
Ako ay naakit
Kaya ako ay lumapit.

[2004]

December 16, 2008

Pik-pak-bog

Pa-lak-pak
Pa-lak-pak
Pa-lak-pak-pak
Pa-lak-pak-pak-pak
Pumalakpak ang mga bala
At tumagos sa braso, dibdib, hita
Nina nanay at tatay.

Ka-la-bog
Ka-la-bog
Ka-la-bog-bog
Ka-la-bog-bog-bog
Kumalabog sa lupang dinampol
Ang mga katawan
Nina nanay at tatay.

[2004]

December 16, 2008

INBOX (214)

Boses mo ang narinig
Mula sa umaawit mong mga salita
Na pinakita ng monitor
Matapos kong pindutin
Ang inbox ng aking e-mail.

Gamit ang kaliwang kamay
(Habang nakapatong ang kanang kamay sa mouse)
Hinaplos ko ang mga titik sa screen
Pero damdami’y di nasiyahan,
Sa halip ay lalong nanabik
Sa mga yakap mong
Di maiparamdam ng kahit anong computer.

[2004]